影片說明
Isang lalaki ang naaresto matapos umanong mangholdap ng isang junk shop sa Quezon City, pero bigong makatakas nang madulas sa pinangyarihan ng krimen.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), ang suspek ay kabilang umano sa riding-in-tandem na responsable sa serye ng panghoholdap sa mga junk shop sa lungsod.
Batay sa CCTV footage noong Abril 20 sa Barangay Baesa, makikitang hinoldap ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo ang isang junk shop. Naabutan sila ng may-ari ng establisimyento, na napilitang tumakbo matapos tutukan ng baril ng isa sa mga suspek. Sa pagmamadaling makatakas, natumba pa ang motorsiklo ng mga salarin.
Noong Mayo 10 naman, isa ring junk shop sa Barangay Bahay Toro ang pinasok ng mga kawatan. Ayon sa ulat, ginapos umano ang mga biktima bago tinangay ang humigit-kumulang P60,000 at mga cellphone ng mga empleyado.
Muling umatake ang mga suspek nitong Lunes ng madaling-araw sa isang junk shop sa Barangay Talipapa. Kuwento ng may-ari ng establisimyento, nagpanggap muna ang dalawang suspek na magpapatimbang ng tanso at nagtanong tungkol sa presyo nito bago biglang magdeklara ng holdap.
“Yun na po, pumasok sila bigla, dun na po sila bumunot ng baril at nagdeklara ng holdap. Sa takot ko po, ibinigay ko na ang laman ng bulsa ko na nagkakahalaga ng P1,500,” ani ng biktima.
Matapos makuha ang pera, paalis na sana ang mga suspek ngunit nadulas ang isa sa kanila dahil sa hindi pantay na bahagi ng sementadong daan.
“Nadulas po siya doon. Doon ako nakakita ng pagkakataon na sunggaban siya, tapos doon na kami nagpambuno,” dagdag ng biktima.
Habang nakikipag-agawan ng baril ang biktima sa suspek, humingi siya ng tulong sa kanyang kapatid hanggang sa mapigilan nila ang armado. Sa gitna ng kaguluhan, nakatakas naman ang kasamahan nito at iniwan ang motorsiklong ginamit sa krimen.
Agad namang rumesponde ang mga nagpapatrolyang pulis at inaresto ang suspek.
Ayon kay PLt. Col. Von Alejandrino, Station Commander ng QCPD Police Station 3, mabilis na nakarating sa lugar ang kanilang mga tauhan matapos humingi ng saklolo ang mga biktima.
Sinabi rin ng opisyal na lumalabas sa kanilang imbestigasyon na ang mga suspek ang nasa likod ng serye ng panghoholdap sa mga junk shop sa Quezon City. Modus umano ng grupo ang magkunwaring may ibebentang scrap materials at magtanong ng presyo bago magdeklara ng holdap kapag napansing kakaunti ang tao sa establisimyento.
Narekober mula sa suspek ang isang semi-automatic na baril na isasailalim sa ballistic examination, gayundin ang mga motorsiklong ginamit sa mga krimen. Nabawi rin ang perang tinangay mula sa huling biktima.
Samantala, natunton din ng pulisya ang tumakas na suspek sa pamamagitan ng iniwang motorsiklo. Kalaunan ay kusang isinuko ito ng kanyang mga magulang sa mga awtoridad.
Ayon sa pulisya, ilang beses nang naaresto ang dalawang suspek at dati ring nagtrabaho sa mga junk shop, dahilan upang maging pamilyar sila sa operasyon ng mga naturang negosyo.
Humingi naman ng paumanhin ang isa sa mga suspek at sinabing “dala lamang ng pangangailangan” ang kanilang ginawa. Ngunit iginiit ng biktima na mas mabuting maghanap ng marangal na pagkakakitaan kaysa gumawa ng krimen.
Nahaharap ngayon ang dalawang suspek sa kasong robbery at illegal possession of firearms.
(Jeff Caparas,ABS-CBN News)
For more ABS-CBN News videos, click the link below:
https://www.youtube.com/playlist?list=PLgyY1WylJUmgy6PGn5--qRRixkhltg5hE
For more News Digital News Raw Cuts, click the link below:
https://www.youtube.com/playlist?list=PLgyY1WylJUmiOw9mcoSbzoyp25AAZAAdn
For more Breaking News & Live Coverage videos, click the link below:
https://www.youtube.com/playlist?list=PLgyY1WylJUmgG2ln-vtKXb-oLlGEZc3sR
For more latest news and analysis from ABS-CBN News videos, click the link below:
https://www.youtube.com/playlist?list=PLgyY1WylJUmjA30dKUQCDlG7vy38QQk-Y
Subscribe to the ABS-CBN News channel! - http://bit.ly/TheABSCBNNews
Watch full episodes on iWantTFC for FREE here:
http://iwanttfc.com
Visit our website at http://news.abs-cbn.com
Facebook: https://www.facebook.com/abscbnNEWS
Twitter: https://twitter.com/abscbnnews
Instagram: https://www.instagram.com/abscbnnews
#ViralNews
#LatestNews
#ABSCBNNews